📄 Abstract
Ang pangunahing layunin ng pananaliksik na ito ay masuri ang karanasan ng mga mag-aaral sa paggamit ng Wattpad bilang interbensyon sa pagbasa at matukoy ang mga pakinabang at hamon na nararanasan sa kasalukuyang panahon, partikular na sa paglinang ng kasanayan sa pag-unawa, kawilihan sa pagbasa at pagpili ng angkop na babasahin. Sa pamamagitan ng purposive sampling, napili ang labin-isang (11) mag-aaral mula sa Francisco Bustamante National High School sa Lungsod ng Davao na sumalang sa pinalalim na panayam upang bigyan tugon ang mga katanungan sa pananaliksik. Sa pamamagitan ng tematikong analisis, nailahad ang mahahalagang kaisipan at tema hinggil sa aktuwal na karanasan ng mga mag-aaral sa paggamit ng Wattpad bilang bahagi ng kanilang gawaing pampagkatuto sa pagbasa. Napatunayan sa pag-aaral na bagaman nagiging makabuluhan at kawili-wili ang pagbasa sa tulong ng Wattpad, nananatili pa rin ang ilang hamon tulad ng distraksyon, pagpili ng angkop na babasahin at pagpapanatili ng pokus sa pag-unawa. Gayunpaman, naipakikita na ang Wattpad ay maaaring magsilbing mabisang interbensyon sa pagbasa kung gagamitin nang may malinaw na layunin at wastong paggabay. Ipinahihiwatig din na mahalaga ang papel ng mga guro, tagapagsanay, at pamunuan sa pagbibigay-direksiyon sa paggamit ng digital na plataporma, gayundin ang pagiging mapanuri ng mga mag-aaral sa pagpili ng kanilang binabasa. Ang mga natuklasang pag-aaral ay kinakailangang paigtingin ang integrasyon ng mga digital na kagamitan sa pagtuturo ng pagbasa at patatagin ang mga programang magpapalawak sa kasanayan ng mga guro at mag-aaral, upang higit na mapakinabangan ang positibong ambag ng teknolohiya sa pagkatuto. Bukod dito, mahalaga ring magkaroon ng patuloy na pagsubaybay at ebalwasyon sa paggamit ng mga digital na plataporma upang matiyak ang pagiging mabisa nito sa pagpapaunlad ng kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral.
🏷️ Keywords
📚 How to Cite:
Hanni Vee J. Tupas , WATTPAD BILANG INTERBENSYON SA PAGBASA: MGA PAKINABANG AT HAMON SA MGA MAG-AARAL , Volume 13 , Issue 6, June 2026, EPRA International Journal of Environmental Economics, Commerce and Educational Management(ECEM) , Pages: 6 - 15 , DOI: https://doi.org/10.36713/epra28242