📄 Abstract
Nilalayon ng pag-aaral na suriin ang kahandaan at kasanayan ng mga guro at mag-aaral sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) bilang batayan sa pagbuo ng isang kagamitang pampagtuturo sa asignaturang Filipino. Ginamitan ito ng mixed method na may convergent parallel design upang makalikom ng mas komprehensibong datos mula sa labinlimang (15) guro sa Filipino at isang daang (100) mag-aaral sa Senior High School mula sa mga piling pampublikong paaralan sa Dibisyon ng Tandag City sa Taong Panuruan 2025–2026. Batay sa resulta ng pag-aaral, lumitaw na lubos na handa ang mga guro sa paggamit ng AI at nagtataglay ng mataas na antas ng kasanayan sa aspektong teknikal. Sa mga mag-aaral, natuklasan na mayroon silang katamtaman hanggang mataas na antas ng kasanayan sa paggamit ng AI, partikular sa aspetong teknikal. Sa kabila ng mga positibong natuklasan, natukoy pa rin ang ilang hamon at limitasyon tulad ng hindi maayos na koneksiyon sa internet, kakulangan sa kagamitan at pagsasanay, hindi palaging maaasahang sagot ng AI, pagdepende rito sa paggawa ng mga akademikong gawain, at mga usaping may kaugnayan sa akademikong integridad. Natuklasan din na walang makabuluhang kaugnayan sa pagitan ng kasanayan ng mga guro at mag-aaral sa paggamit ng AI, maaaring mayroong iba pang salik na nakaaapekto sa paglinang ng kanilang kasanayan. Bilang tugon sa mga natuklasan, nakabuo ang mananaliksik ng isang panukalang programa sa pagsasanay na naglalayong higit pang mapaunlad ang kahandaan at kasanayan ng mga guro sa responsable, etikal, at epektibong paggamit ng AI sa pagtuturo. Ipinakikita ng pag-aaral na ang matagumpay na integrasyon ng AI sa silid-aralan ay hindi lamang nakasalalay sa pagkakaroon ng teknolohiya kundi higit sa sapat na kaalaman, kasanayan, patuloy na pagsasanay, at wastong paggabay upang mapanatili ang kalidad at makabuluhang pagkatuto sa asignaturang Filipino.
🏷️ Keywords
📚 How to Cite:
Melene D. Duron, Erwin R. Bucjan , AI SA SILID-ARALAN: KAHANDAAN AT KASANAYAN NG MGA GURO AT MAG-AARAL BILANG BATAYAN SA KAGAMITANG PAMPAGTUTURO , Volume 12 , Issue 6, June 2026, EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR) , Pages: 585 - 596 , DOI: https://doi.org/10.36713/epra28488