📄 Abstract
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang paggamit ng audiobiswal na kagamitan sa pagtuturo ng kwento at ang kasanayan sa pag-unawa at pagganap ng mga mag-aaral sa Filipino. Partikular nitong sinagot ang mga sumusunod na layunin: antas ng paggamit ng audiobiswal na kagamitan batay sa kakayahang matuto, kaangkupan, kaalaman, aksesibilidad, interaktibidad, at disenyo; antas ng kasanayan sa pag-unawa sa Filipino batay sa abilidad, imahinasyon, pagpapahalaga, at mapanuring pag-iisip; antas ng pagganap ng mga mag-aaral batay sa pasulat at pasalita; makabuluhang ugnayan ng paggamit ng audiobiswal na kagamitan sa pagpapaunlad ng kasanayan sa pag-unawa sa Filipino; at makabuluhang epekto ng paggamit ng audiobiswal na kagamitan sa pagganap ng mga mag-aaral. Gumamit ang pag-aaral ng deskriptibo at korelasyonal na disenyo ng pananaliksik. Ang mga datos ay nakalap mula sa animnapu’t limang (65) piling mag-aaral sa pamamagitan ng sariling gawang talatanungan bilang pangunahing instrumento. Ginamit ang frequency, mean, at standard deviation upang matukoy ang antas ng mga baryabol, habang Pearson Product–Moment Correlation ang ginamit upang masuri ang makabuluhang ugnayan, at regression analysis naman upang matukoy ang epekto. Ipinakita ng resulta na mataas ang antas ng paggamit ng audiobiswal na kagamitan sa pagtuturo ng kwento batay sa iba’t ibang salik tulad ng kakayahang matuto, kaangkupan, kaalaman, aksesibilidad, interaktibidad, at disenyo. Gayundin, mataas ang antas ng pag-unawa sa Filipino at pagganap ng mga mag-aaral sa parehong pasulat at pasalitang gawain. Natuklasan din na may makabuluhang ugnayan at epekto ang paggamit ng audiobiswal na kagamitan sa pagpapaunlad ng pag-unawa at pagganap ng mga mag-aaral. Bilang konklusyon, sa isinagawang pagsusuri, na may makabuluhang ugnayan at epekto ang audiobiswal na kagamitan sa pag-unawa at pagganap ng mga mag-aaral kung kaya’t ang haypoteses ay hindi tinanggap, sapagkat napatunayang may positibo at makabuluhang impluwensya ito sa kanilang pagkatuto. Batay sa mga natuklasan, inirerekomenda ang patuloy na paggamit ng audiobiswal na kagamitan sa pagtuturo upang higit pang mapaunlad ang pag-unawa at pagganap ng mga mag-aaral. Iminumungkahi rin ang pagsasagawa ng pagsasanay para sa mga guro upang mapahusay ang kanilang kakayahan sa epektibong paggamit ng ganitong uri ng kagamitang panturo.
🏷️ Keywords
📚 How to Cite:
Gladirence Carrascal Taiño , AUDIOBISWAL NA KAGAMITAN SA PAGTUTURO NG KWENTO SA PAGPAPAUNLAD NG KASANAYAN SA PAG-UNAWA NG FILIPINO , Volume 12 , Issue 7, July 2026, EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR) , Pages: 525 - 535 ,