📄 Abstract
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang kaugnayan sa pagitan ng mga interaktibong pamamaraan sa pagtuturo ng panitikan sa pagkatuto ng kasanayang Filipino ng mga mag-aaral. Partikular nitong inalam ang mga sumusunod: antas ng interaktibong pamamaraan sa pagtuturo ng panitikan batay sa art angel, sine mo ‘to, kalookalike, guess what, at tagis-talino. Sinuri rin ang antas ng pagkatuto sa Kasanayang Filipino ng mga mag-aaral batay sa kasanayan sa pagsulat, pag-unawa sa binasa, kakayahang makapagpahayag, pag-unlad ng kognitibong kakayahan, kolaboratibong kasanayan, pagpapaunlad ng kakayahan at paghasa ng kaalaman: matukoy ang antas ng pagganap ng mga mag-aaral sa pagsusulit batay sa art angel, pagsusulit batay sa sine mo ‘to, pagsusulit batay sa kalookalike, pagsusulit batay sa guess what at pagsusulit sa tagis-talino. Malaman ang ugnayan ng Interaktibong Pamamaraan sa Pagtuturo ng Panitikan sa Pagkatuto ng Kasanayang Filpino at epekto sa pagitan ng Interaktibong Pamamaraan sa Pagtuturo ng Panitikan sa Pagganap ng mga mag-aaral. Upang masuri ang antas ng kanilang natutunan gamit ang mga interaktibong pamamaraan, ginamit ang deskriptib-korelasyonal na pananaliksik. Ang mga kalahok sa pag-aaral na ito ay may kabuuang bilang na isang daan at walumpung (180) mag-aaral sa Baitang Pito (7) ng Don Manuel Rivera Memorial Integrated National High School. Lumabas sa resulta ng pag-aaral na ito na ang antas ng Interaktibong Pamamaraan sa Pagtuturo ng Panitikan, gayundin ang antas ng Pagkatuto ng Kasanayang Filipino ng mga mag-aaral ay kapwa may kabuuang punang Lubhang Mabisa. Pagganap ng mga Mag-aaral sa kanilang mga pagsusulit, na nagkamit ng punang Katamtamang-Kasiya-siya. Natuklasan ang makabuluhang ugnayan sa pagitan ng mga interaktibong pamamaraan at ang pagkatuto ng kasanayang Filipino ng mga mag-aaral. Gayunpaman, lumabas sa pagsusuri na walang makabuluhang epekto sa interaktibong pamamaraan sa pagtuturo ng panitikan sa pagganap ng mga mag-aaral. Bilang konklusyon, may makabuluhang ugnayan sa pagitan ng Interaktibong Pamamaraan sa Pagtuturo ng Panitikan at Pagkatuto ng Kasanayang Filipino kung kaya’t ang haypoteses ay hindi tinatanggap. Samantala, walang makabuluhang epekto ang nakita sa pagitan ng Interaktibong Pamamaraan sa Pagganap ng mga Mag-aaral kung kaya’t ang haypoteses ay tinatanggap. Matapos ang pagsusuri, iminumungkahi ang madalas na paggamit ng mga interaktibong pamamaraan sa pagtuturo ng panitikan, gayundin ang pagpapahusay sa mga guro sa pamamagitan ng mga LAC session at pagsasanay sa teknolohiya para sa ikatatagumpay ng mga mag-aaral.
🏷️ Keywords
📚 How to Cite:
Ana Margarita Paula Dimacuha Ramos , INTERAKTIBONG PAMAMARAAN SA PAGTUTURO NG PANITIKAN SA PAGKATUTO NG KASANAYANG FILIPINO NG MGA MAG-AARAL , Volume 12 , Issue 7, July 2026, EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR) , Pages: 463 - 475 ,