📄 Abstract
Layunin ng pag-aaral na ito ay masuri ang mga karaniwang kamalian sa pagsulat ng katha sa Filipino ng mga mag-aaral na kumukuha ng asignaturang Filipino 1 sa Southern Leyte State University (SLSU)–Hinunangan Campus. Ginamit sa pananaliksik ang descriptive-developmental research design upang mailarawan ang mga karaniwang kamalian sa pagsulat at makabuo ng angkop na kagamitang panturo batay sa mga natuklasan. May tatlumpu't apat (34) na mga kalahok na nakaenrol sa asignaturang Filipino 1 mula sa mga programang Bachelor of Secondary Education (BSEd) at Bachelor of Technology and Livelihood Education (BTLED). Lakbay-sanaysay, malikhaing akda, at editorial ang instrumentong ginamit. Natuklasan na ang mga karaniwang kamalian ng mga mag-aaral ay makikita sa iba't ibang aspekto ng pagsulat. Sa mekaniks, sa aspeto ng pagbabaybay, ang paggamit ng pam-/sim-/magkasim- ang nagtala ng pinakamataas na antas ng kamalian na may kabuuang deskripsyong pinakamahina. Sa pagbabantas, nakapagtala rin ng deskripsyong mahina, na nagpapakita ng kakulangan sa wastong paggamit ng mga bantas. Samantala, sa paggamit ng titik, ang paggamit ng malaking titik ang may interpretasyong pinakamahina, samantalang ang paggamit ng maliit na titik ay may interpretasyong di-gaanong mahina. Sa aspekto ng pandiwa, lumabas na ang aspektong perpektibo ang nagtala ng pinakamataas na bilang ng mga kamalian. Samantala, ang aspektong imperpektibo ay may deskripsyong mababa, habang ang aspektong kontemplatibo ang nakapagtala ng pinakamababang antas ng kamalian na may interpretasyong napakababa, na nagpapahiwatig na bihira lamang magkamali ang mga mag-aaral sa paggamit ng pandiwang nagsasaad ng kilos na hindi pa nagaganap. Sa paggamit ng mga salita, natuklasan na ang paggamit ng nang/ng, sila/sina, bitiwan/bitawan, at ito/iyan/iyon ang nagtala ng pinakamataas na mean na nagpapakita ng malaking kahinaan ng mga mag-aaral sa wastong paggamit ng mga ito. Nakapagtala rin ng mataas na mean ang mga salitang kita/kata, ooperahan/ooperahin, at may/mayroon, samantalang ang din/rin, dito/rito, daw/raw, at kong/kung ay may deskripsyong mahina. Napatunayang ang mga mag-aaral sa Filipino 1 ay nakararanas pa rin ng mga karaniwang kamalian sa pagsulat ng katha, partikular sa mekaniks, wastong paggamit ng pandiwa, at tamang gamit ng mga salita. Inirerekomenda na gamitin ito ng mga guro bilang karagdagang kagamitang panturo, kasama ng mga regular na gawaing pampagsasanay, upang mapabuti ang kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral.
🏷️ Keywords
📚 How to Cite:
Jessa R. Suello, Grace L. Garan, Bernaditha G. Santos, Rubira G. Baa , KARANIWANG KAMALIAN SA PAGSULAT NG KATHA SA FILIPINO NG MGA MAG-AARAL SA FILIPINO 1: BATAYAN SA PAGBUO NG KAGAMITANG PAMPAGTUTURO , Volume 12 , Issue 8, August 2026, EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR) , Pages: 1 - 8 ,