📄 Abstract
Ang pag-aaral na ito ay naglayong suriin ang antas ng kasanayan sa malikhaing pagsulat ng tula at ang kaugnayan nito sa akademikong pagganap sa asignaturang Filipino ng mga mag-aaral sa Baitang 7 hanggang Baitang 10 taong pampaaralan 2025-2026 ng Mataas na paaralan sa Hinigaran. Gamit ang deskriptib-korelasyonal na disenyo ng pananaliksik, kinalap ang datos mula sa 100 na mga mag-aaral na pinili sa pamamagitan ng random sampling. Upang masukat ang kasanayan sa pagsulat ng tula, gumamit ang mga mananaliksik ng isang pormal na rubrik na nagsuri sa larangan ng paggamit ng tayutay, sukat at tugma, orihinalidad, paggamit ng wika at organisasyon ng kaisipan. Samantala, ang akademikong pagganap ay batay sa pangkalahatang marka ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino.Ipinakita ng mga resulta na ang antas ng kasanayan sa malikhaing pagsulat ng tula ng mga mag-aaral ay nasa kategoryang mataas, habang ang kanilang akademikong pagganap ay nasa antas na napakahusay. Batay sa pagsusuring estadistikal gamit ang Pearson's r, natuklasang may makabuluhang kaugnayan sa pagitan ng kasanayan sa malikhaing pagsulat ng tula at ng akademikong pagganap ng mga mag-aaral. Nagpapahiwatig ito na habang tumataas ang kakayahan ng mag-aaral sa pagbuo ng tula, tumataas din ang kanilang kabuuang pagganap sa asignaturang Filipino. Batay sa mga natuklasan, inirerekomenda ng pag-aaral na ito ang patuloy na pagpapatupad ng mga interaktibo at malikhaing gawaing pampanitikan sa kurikulum upang higit pang mapalalim ang pag-unawa at interes ng mga mag-aaral sa wika at panitikang Filipino.
🏷️ Keywords
📚 How to Cite:
Andeline N. Zamora, Raymund L. Santiago , KASANAYAN SA MALIKHAING PAGSULAT NG TULA AT AKADEMIKONG PAGGANAP SA FILIPINO NG MGA MAG-AARAL , Volume 12 , Issue 8, August 2026, EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR) , Pages: 881 - 886 , DOI: https://doi.org/10.36713/epra31377