📄 Abstract
Nilalayon ng pag-aaral na ito na suriin ang mga sintaktikong kamalian sa pagsulat ng mga mag-aaral sa Filipino sa antas ng parirala, sugnay, at pangungusap, tukuyin ang mga salik na nakaaapekto sa paglitaw ng mga kamaliang ito, at makabuo ng kagamitang pampagkatuto bilang interbensiyon upang mapahusay ang kanilang sintaktikong kasanayan sa pagsulat. Ginamit sa pag-aaral ang mixed-method na disenyo ng pananaliksik upang makalikom ng kapwa kwantitatibo at kwalitatibong datos. Lumahok sa pag-aaral ang tatlumpung (30) mag-aaral sa Ikalabing-isang Baitang ng Jacinto P. Elpa National High School sa Dibisyon ng Tandag City na pinili sa pamamagitan ng purposive sampling. Sinuri ang mga sanaysay at piling sulatin ng mga kalahok upang matukoy ang mga sintaktikong kamalian, habang isinagawa ang panayam upang matukoy ang mga salik na nakaaapekto sa kanilang pagsulat. Natuklasan na katamtaman ang antas ng sintaktikong kamalian sa antas ng parirala (M=14), samantalang mataas naman sa antas ng sugnay (M=17) at pangungusap (M=18). Sa antas ng parirala, pinakakaraniwan ang maling pag-uugnay ng mga bahagi ng pananalita at kalabisan ng salita. Sa antas ng sugnay, nangingibabaw ang hindi malinaw na pagpapahayag ng ideya, samantalang sa antas ng pangungusap ay pinakamarami ang maling paggamit at kawalan ng wastong bantas. Ipinakikita ng mga natuklasan na higit na nahihirapan ang mga mag-aaral sa pagbuo ng malinaw at organisadong mga ideya sa antas ng sugnay at pangungusap. Natukoy rin na ang mga pangunahing salik na nakaaapekto sa paglitaw ng mga sintaktikong kamalian ay kakulangan sa bokabularyo, kahirapan sa pagpapahayag ng mga ideya sa Filipino, impluwensya ng unang wika at wikang Ingles, kakulangan sa kaalaman sa mga tuntuning gramatikal, limitadong kasanayan sa pagsulat, at kahinaan sa organisasyon ng pag-iisip sa pagbuo ng mga ideya. Bilang tugon sa mga natuklasan, nakabuo ang mananaliksik ng kagamitang pampagkatuto na pinamagatang Linang-Sulat: Paglinang ng Sintaktik na Kasanayan sa Pagsulat ng Iba’t Ibang Teksto. Ito ay isang web-based at printed na modyul na naglalaman ng mga aralin, pagsasanay, at pagtataya na nakatuon sa paglinang ng wastong paggamit ng sintaks at pagpapahusay ng kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral sa Filipino.
🏷️ Keywords
📚 How to Cite:
Mary Jane L. Vasquez, Medelyn M. Montenegro , SINTAKTIKONG PAGSUSURI SA MGA SANAYSAY NG MGA MAG-AARAL: BATAYAN SA PAGBUO NG KAGAMITANG PAMPAGKATUTO , Volume 12 , Issue 6, June 2026, EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR) , Pages: 498 - 508 , DOI: https://doi.org/10.36713/epra28474