📄 Abstract
Ang pag-aaral ay isinagawa upang masuri ang bisa ng paggamit ng storyboard bilang isang kagamitang pampagtuturo sa pagpapalawak ng makrong kasanayan at pagganap ng mga mag-aaral. Partikular nitong inalam ang mga sumusunod na layunin: antas ng paggamit ng Storyboard Bilang Kagamitang Pampagtuturo sa Sitwasyong Pangwika sa Paglinang ng Makrong Kasanayan; antas ng Paglinang ng Makrong Kasanayan at Antas ng Pagganap ng mga Mag-aaral batay sa Pasalitang Pagsusulit. Sinukat nito ang makabuluhang kaugnayan ng paggamit ng storyboard bilang kagamitang pampagtuturo sa sitwasyong pangwika sa paglinang ng makrong kasanayan ng mga mag-aaral at makabuluhang epekto ng paggamit ng storyboard bilang kagamitang pampagtuturo sa sitwasyong pangwika sa pagganap ng mga mag-aaral. Gumamit ang pag-aaral ng deskriptibo at korelasyonal na disenyo ng pananaliksik. Ang mga datos ay nakalap mula sa pitumpu’t isang (71) piling mag-aaral ng Don Manuel Rivera Memorial Integrated National High School sa pamamagitan ng sariling gawang talatanungan bilang pangunahing instrumento. Ginamit ang frequency, percentage, mean, at standard deviation upang mailarawan ang antas ng mga baryabol. Samantala, ginamit ang Pearson Product-Moment Correlation Coefficient upang matukoy ang ugnayan ng mga baryabol, habang ginamit ang Multiple Regression Analysis upang masuri kung may makabuluhang epekto ang storyboard sa pagganap ng mga mag-aaral sa pasalitang pagsusulit. Ipinakita sa resulta na may lubhang mataas na antas ng paggamit ng storyboard, na nagpapakita ng mataas na motibasyon, kabuluhan, at kalinawan sa pagkatuto. Lumabas din na lubhang mabisa ito sa paglinang ng makrong kasanayan, lalo na sa partisipasyon, pag-unawa sa teksto, at paggamit ng wika. Nakamit din ng mga mag-aaral ang antas na Outstanding sa pasalitang pagsusulit. Natuklasan din na may makabuluhang kaugnayan ang paggamit ng storyboard sa paglinang ng makrong kasanayan, subalit wala itong makabuluhang epekto sa pagganap ng mga mag-aaral. Lumabas na may makabuluhang ugnayan ang storyboard kung kaya’t ang haypotesis ay hindi tinatanggap na nangangahulugang ang mga nabanggit na elemento ng storyboard ay may positibong ambag sa paglinang ng makrong kasanayan ng mga mag-aaral. Samantala, walang makabuluhang epekto ang storyboard sa pagganap ng mga mag-aaral kung kaya’t ang haypotesis ay tinatanggap. Bilang konklusyon, nakatutulong ang storyboard sa pag-unlad ng ilang kasanayan, ngunit hindi pa ito sapat upang direktang makaapekto sa pangkalahatang antas ng pagganap ng mga mag-aaral. Batay sa natuklasan, inirekomenda sa mga guro ang patuloy na paggamit ng storyboard bilang gabay at alternatibong estratehiya sa pagtuturo upang mapaunlad ang makrong kasanayan ng mga mag-aaral, kasama ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na lumikha ng sariling storyboard upang malinang ang kanilang pagkamalikhain at kasanayan sa wika.
🏷️ Keywords
📚 How to Cite:
Mary Nicole Villanueva Musa , STORYBOARD BILANG KAGAMITANG PAMPAGTUTURO SA SITWASYONG PANGWIKA SA PAGLINANG NG MAKRONG KASANAYAN AT PAGGANAP NG MGA MAG-AARAL , Volume 12 , Issue 7, July 2026, EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR) , Pages: 440 - 451 ,