📄 Abstract
Ang pag-aaral na ito na pinamagatang “Ugnayan ng Gawi at Metakognitibong Kamalayan sa Estratehiya sa Pagbasa ng mga Mag-aaral: Batayan sa Pagbuo ng Kagamitang Pampagtuturo” ay isinagawa upang matukoy ang antas ng metakognitibong kamalayan sa mga estratehiya sa pagbasa, gawi sa pagbasa, at ang makabuluhang ugnayan ng mga ito sa demograpikong profayl ng mga mag-aaral. Ginamit sa pag-aaral ang kwantitatibong disenyo ng pananaliksik na nilapatan ng deskriptibong pamamaraan. Ang mga respondente ay binubuo ng 212 mag-aaral sa Baitang 11 mula sa Gamut National High School at Purisima National High School sa Munisipalidad ng Tago, Surigao del Sur. Ang mga kalahok ay pinili sa pamamagitan ng stratified sampling at Random Picker upang matiyak ang patas at walang kinikilingang pagpili ng mga respondente. Ang mga datos ay nakalap gamit ang mga binago at inangkop na talatanungan mula sa Metacognitive Awareness of Reading Strategies Inventory (MARSI) nina Mokhtari at Sheorey (2002) at sa pag-aaral nina Oriogu et al. (2017) hinggil sa gawi sa pagbasa. Ang mga nakalap na datos ay sinuri gamit ang frequency count, percentage, mean, weighted mean, Pearson Product-Moment Correlation, at Chi-Square Test of Independence. Batay sa resulta ng pag-aaral, natuklasan na ang karamihan sa mga respondente ay babae, may aklat bilang pangunahing babasahin sa tahanan, at may mga magulang na nagtapos sa antas sekondarya. Lumabas din na karamihan sa mga mag-aaral ay kabilang sa antas na Independent Reader. Sa antas ng metakognitibong kamalayan sa estratehiya sa pagbasa, ipinakita ng mga resulta na karaniwang ginagamit ng mga mag-aaral ang mga pandaigdigang estratehiya sa pagbasa, estratehiya sa paglutas ng suliranin, at mga pantulong na estratehiya. Samantala, sa gawi sa pagbasa, natuklasan na positibo ang kanilang pananaw sa kahalagahan ng pagbabasa at mas pinipili nilang basahin ang mga naratibong babasahin tulad ng maikling kuwento at mga tala ng leksiyon. Higit pa rito, lumabas sa pagsusuri na may makabuluhang ugnayan ang ilang aspekto ng demograpikong profayl sa gawi sa pagbasa. Napatunayan din na may makabuluhang ugnayan ang metakognitibong kamalayan sa estratehiya sa pagbasa at gawi sa pagbasa ng mga mag-aaral. Batay sa mga natuklasan, nakabuo ang mananaliksik ng isang kagamitang pampagtuturo na naglalayong higit pang mapalakas ang metakognitibong kamalayan at mapaunlad ang gawi sa pagbasa ng mga mag-aaral upang mapahusay ang kanilang kakayahan sa pag-unawa at pagkatuto.
🏷️ Keywords
📚 How to Cite:
Marjone N. Caliwatan , Merlyn E. Arevalo, PhD , UGNAYAN NG GAWI AT METAKOGNITIBONG KAMALAYAN SA ESTRATEHIYA SA PAGBASA NG MGA MAG-AARAL: BATAYAN SA PAGBUO NG KAGAMITANG PAMPAGTUTURO , Volume 12 , Issue 6, June 2026, EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR) , Pages: 469 - 488 , DOI: https://doi.org/10.36713/epra28430