📄 Abstract
Sinipat at sinuri sa pag-aaral na ito ang implementasyon ng Pambansang Patakarang Edukasyong Bilinggwal sa Holy Name University. Tiniyak nito ang mga kasagutan sa mga katanungang kaugnay sa mga estado ng mga edukador at administrador ng unibersidad ayon sa uri ng kanilang kakayahan bilang mga bilinggwal, at ang antas ng kanilang kamalayan sa Patakarang Bilinggwal na Edukasyon sa Pilipinas. Sinuri naman ang estado ng implementasyon ng unibersidad sa nasabing probisyong pangwika at tinuklas ang maaaring maipapatupad na mga panukalang patakarang pangwika. Ginamit ng mananaliksik ang deskriptib-analitik na pamamaraan sa pagsusuri ng mga datos at ang purposive sampling upang matukoy ang mga respondente mula sa tatlong departamentong higit na gumagamit ng bilinggwal sa pagtuturo-pagkatuto ng nasabing unibersidad. Natuklasang ang lahat ng respondente ay nasa estado ng kakayahang produktibong bilinggwal na may kakayahang makapagsulat at makapagsalita. Binuo ng mananaliksik ang talatanungang hinango mula kina Baker at Wright sa Foundations of Bilingual Education and Bilingualism upang matukoy ang estado sa kakayahan ng mga respondente bilang bilinggwal na mga administrador o edukador gayundin ang Patakarang Edukasyong Bilinggwal (D.O. 52, s.1987) upang masipat at masuri ang implementasyon nito sa nabanggit na unibersidad. Natuklasan ding halos lahat ng administrador ay may kamalayang lubos sa Patakarang Edukasyong Bilinggwal samantalang halos lahat ng mga edukador ay may bahagyang kamalayan sa layunin ng nasabing probisyong pangwika. Karamihan sa kanila ay sumang-ayon na lubos na naimplementa ng unibersidad ang pagpapatupad sa probisyon ng Artikulo XIV Seksyon 7 ng 1987 Konstitusyon na pagpapahalaga sa mga wikang Ingles at Filipino sa edukasyon.
🏷️ Keywords
📚 How to Cite:
Fe N. Conui , SIPAT-SURI SA IMPLEMENTASYON NG PATAKARANG EDUKASYONG BILINGGWALISMO SA HOLY NAME UNIVERSITY , Volume 11 , Issue 7, July 2026, EPRA International Journal of Research & Development (IJRD) , Pages: 178 - 191 , DOI: https://doi.org/10.36713/epra30882